Pumunta sa nilalaman

Paggupit ng papel

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga ginupit na papel de tsina

Ang paggupit ng papel (sa Ingles: papercutting) ay ang sining ng paggugupit ng papel bilang isang disenyo. Lumagong kakaiba ang sining sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang makasabay sa mga pamamaraan ng bawat kalinangan.

Isang silweta ni Goethe (1778).

Matatagpuan sa Xinjiang Tsina ang pinakamatandang ginupit na papel na nanatili pa. Ang ginupit na papel na iyon ay isang proporsyonal na bilog na mula pa noong ika-6 na siglo sa panahong ng Dinastiyang Anim.[1][2] Nagpatuloy ang kasanayan ng paggupit ng papel noong panahon ng mga Dinastiyang Song at Tang bilang isang tanyag na anyo ng pampalamuting sining.[2]

Noong mga ikawalo o ikasiyam na siglo, lumitaw ang paggupit ng papel sa Kanlurang Asya at noong namang ika-16 na siglo, sa Turkiya. Sa loob ng isang siglo, ginagawa ang paggupit ng papel sa karamihan ng gitnang Europa.

Tinatawag na Jianzhi (剪紙) ang tradisyunal na istilo ng paggupit ng papel sa Tsina. Tinatayang nagsimula ang kasanayang ito noong pang ika-6 na siglo A.D. May mga ilang kakaibang gamit ang Jianzhi sa kulturang Tsino. Halos lahat ng gamit nito ay para sa kalusugan, kaunlaran o para sa palamuti. Pula ang madalas na gamitin na kulay. Kadalasang may pagbibigay diin ang Jianzhi sa mga letrang Tsino na kinakatawan ang mga hayop sa sodyak ng mga Tsino.

Bagaman tanyag ang paggupit ng papel sa buong mundo, tanging mga paggupit ng papel sa Tsina ang nakatala sa UNESCO Intangible Cultural Heritage Lists noong 2009.[3] Kinilala ito ng UNESCO dahil sa higit sa 1500 kasaysayan nito at kinakatawan nito ang pagpapahalagang pangkalinangan ng mga tao sa buong Tsina.

Umunlad ang makabagong paggupit ng papel sa isang industriyang pangkomersyo. Nanatiling tanyag ang paggupit ng papel sa makabagong Tsina lalo na sa mga natatanging mga okasyon tulad ng Bagong Taong Tsino o kasal.[4]

May mga ilang kasanayang Pilipino ang gumagamit ng paggupit ng papel. Sa panahon ng Paskong Pilipino, pinapalamuti ang parol ng makulay na papel na ginupit sa iba't ibang anyo katulad ng mga disenyong bulaklakin, mga pom-pon, at mga buntot sa mga tulis ng parol.

Ang sining ng pabalat naman ay ginagawa sa pamamagitan ng paggupit ng mga makulay na papel upang gamitin bilang pambalot sa pastillas de leche at ibang mga pagkaing matamis. Sa mga palamuti tuwing may pista, gumugupit din ng mga papel para gawing banderitas.

Ang Sanjhi ay isang uri ng paggupit ng papel sa India. Ang mga nagupit na mga disenyo ang ilalatag sa sahig at pupunuin ng kulay para makagawa ng Rangoli.

Ang Kirie ay isang istilo ng paggugupit ng papel sa bansang Hapon, habang ang Kirigimi o Monkiri, ay gumagamit naman ng paggupit at pagtupi ng papel.

Naging karaniwan ang paggupit ng papel sa sining ng mga Hudyo noong pang Gitnang Panahon na nakakabit sa iba't ibang kaugalian at mga seremonya, at may kaugnayan sa mga pista at buhay mag-anak. Kadalasang napapamalamuti ang paggupit ng mga papel ang ketubot (mga kontratang kasal), mga Mizrah, at para sa mga ornamento sa mga okasyong pampiyesta.

Ang papel picado ay sining ng paggupit ng papel sa Mehiko. Ginugupit ang tisyu sa mga disenyo at ang kaparaanang ito ay ginagamit kadalasan sa paggawa ng mga palamuting baner.

Maaring tumukoy ang silweto sa sining ng paggupit ng mga balangkas o larawan sa pamamagitan ng itim na papel upang magmukhang anino. Ang mga makabagong gumugupit ay gumagamit ng isa o higit pang mga estilo mula sa mga nasa itaas, samantalang ang iba ay gumagawa ng mga bagong estilo. Ang makabagong paggupit ng papel ay minsang naihahalintulad sa pag-ii-stencil na nanggaling naman sa sining na graffiti. Ang paggamit ng stencil sa graffiti ay nakatanggap ng internasyunal na pansin dahil kay Banksy.

Mga tanyag sa sining ng paggupit ng papel

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Joanna Koerten (1650 - 1715), Olandes na alagad ng sining na magaling sa gawang silweto
  • Kara Walker (isinilang noong 1969), isang makabagong alagad ng sining na Aprikano-Amerikano
  • Peter Callesen (isinilang noong 1967), isang manunulat at alagad ng sining na Danes
  • Nikki McClure, isang alagad ng sining na Amerikano mula sa Olympia, WA.
  • William Schaff (isinilang noong 1973) isang alagad ng sining na Amerikano mula Warren, pulo ng Rhode. Ang kanyang mga orihinal na mga likha ay ginamit sa pabalat ng album na I am Very Far ni Okkervil River.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Needham, Joseph. Chemistry and Chemical Technology. [1974] (1974). Cambridge University Press. ISBN 0-521-08690-6 (Sa wikang Ingles)
  2. 2.0 2.1 Michael Sullivan; Franklin D. Murphy (1996). Art and Artists of Twentieth-Century China (sa wikang Ingles). University of California Press. p. 150. ISBN 978-0-520-07556-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Chinese paper-cut". UNESCO. Nakuha noong 16 Oktubre 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Paper Cutting". Folklore: An Encyclopedia of Beliefs, Customs, Tales, Music, and Art (sa wikang Ingles). ABC-CLIO. 2011. p. 285. ISBN 978-1-59884-241-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)