Isaac Stern
Isaac Stern | |
---|---|
Kabatiran | |
Kapanganakan | 21 Hulyo 1920 Kremenetz, Ukraine |
Kamatayan | 22 Setyembre 2001 (aged 81) Lungsod ng New York, New York, USA |
Genre | Klasiko |
Trabaho | biyolinista |
Instrumento | biyolin |
Si Isaac Stern (21 Hulyo 1920–22 Setyembre 2001) ay isang tanyag na Amerikanong biyolinistang isinilang sa Kremenetz, Ukraine.
Kabataan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Dumayo sa Estados Unidos ang mga magulang ni Isaac Stern noong sanggol pa lamang siya. Nanirahan sila sa San Francisco, California. Una niyang pinag-aralan ang pagtugtuog ng piano na nasundan ng biyolin noong 10 taong gulang pa lamang siya. Matapos niyang magaral sa Konserbatoryo ng San Francisco, nakilala niya ang kanyang pangunahing tagapagturong si Naoum Blinder. Nag-aral din siya ng musika sa ilalim ni Louis Persinger. Noong kanyang kabataan, naipakita na ni Stern ang kanyang kahusayan sa pagtugtog ng biyolin habang kasaliw ng mga orkestra.[1]
Pagpapakilala
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa edad na 17, nagkaroon siya ng unang resaytal[2] na nagsilbing pagbabakilala (debut) sa kaniya sa Bulwagan Bayan sa New York noong 11 Oktubre 1937. Nagsisimula pa lamang siyang "mamulaklak" sa kanyang karera nang isagawa ang kaniyang unang resaytal sa Carnegie Hall, New York noong 8 Enero 1943. Pagkaraan, nagkasunud-sunod na ang kanyang mga pagtatatnghal bilang resaytalista at soloista sa saliw ng orkestra sa mga pangunahing tanghalan sa Estados Unidos.[1]
Paglalakbay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Matapos ang pagpapakilala sa kanya sa Pestibal ng Lucerne sa Europa noong 1948, naglakbay si Stern sa iba pang bahagi ng daigdig. Noong 1956, matagumpay siyang nagtungo sa Rusya. Noong 1961, nakapagorganisa siya ng trio na kasama sina Istomin at Leonard Rose, isang grupong tatluhan na nanatiling pangunahin noong kanilang mga kapanahunan, hanggang sa kamatayan ni Rose noong 1983. Ipinagdiwang ni Stern ang ika-25 anibersaryo ng kanyang debut sa Carnegie Hall noong 1968. Patuloy ang tagumpay niya sa napiling karera sa paglipas ng mga sumunod pang taon. Noong 1979, nagpunta siya sa komunistang Tsina, isang pangyayaring naitala sa pelikulang dokumentaryong From Mao to Mozart: Isaac Stern in China (Mula Kay Mao Hanggang Kay Mozart: Si Isaac Stern sa Tsina).[1]
Dokumentaryo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Naitala ang kaniyang talambuhay bilang isang biyolinista sa mga pelikulang dokumentaryo, katulad ng Isaac Stern: A Life (Si Isaac Stern, Isang Buhay) noong 1991. Sa isang karerang humahatak sa mahigit na 60 taon, nanatiling matapat sa paniniwala ang mga birtuoso na naging tanyag si Stern bunga ng talento at pagsisikap.[1]
Pangulo ng Carnegie Hall
[baguhin | baguhin ang wikitext]Malawak ang kalipunan ng mga tugtugin ni Stern. Sumasaklaw ito sa mga gawa ng mga dakilang kompositor ng nakaraan at ng kasalukuyan. Bilang karagdagan hinggil sa karera niya sa musika, kilala siya bilang isang masigasig na taga-pagpayamanan ng kultura, karapatang pantao, at sa pagiging makatao. Noong bubuwagin na sana ang sikat na gusali ng Carnegie Hall noong 1960, pinangunahan niya ang pagpupunyagi upang mailigtas ang makasaysayang gusali, para sa kapakanan ng mga susunod na salinlahi. Simula noon, naglingkod na siya bilang presidente ng Carnegie Hall.[1]
Mga gantimpala
[baguhin | baguhin ang wikitext]Laksa-laksa ang tinamong mga karangalan ni Stern. Noong 1979, itinilaga siyang officier - opisyal - ng Legion d'honneur (Lehiyon ng Karangalan) ng Pransiya. Noong 1984, tinanggap niya ang Gawad Parangal ng Sentrong Kennedy (Kennedy Center Honors Award). Noong 1987, nabigyan siya ng Premyong Wolf ng Israel. Noong 1992, ginantimpalaan siya ng Pampangulong Medalya ng Kalayaan ng Estados Unidos (Presidential Medal of Freedom of the United States). At noong 2000, tinamo naman niya ang Gawad Tugtuging Polar (Polar Music Award) mula sa Sweden.[1]
Aklat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasama si C. Potock, inilathala niya ang isang aklat ng sariling-talambuhay na pinamagatang Isaac Stern: My First 79 Years - Isaac Stern: Ang Aking Unang mga 79 Taon - sa New York noong 1999.[1]
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Slonimsky, Nicolas (editor emeritus). "Isaac Stern," Baker's Biographical Dictionary of Musicians, Centennial Edition, Schirmer, 2001, muling inilimbag na may pahintulot ng The Gale Group.
- ↑ De Guzman, Maria Odulio (1968). "Recital, resaytal". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Bibliyograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Slonimsky, Nicolas (editor emeritus). "Isaac Stern," Baker's Biographical Dictionary of Musicians, Centennial Edition, Schirmer, 2001, muling inilimbag na may pahintulot ng The Gale Group (isinulat bago pumanaw si Isaac Stern noong 22 Setyembre 2001).