Gloria Steinem
Ang artikulong ito ay nangangailangan ng mas marami pang mga kawing sa iba pang mga lathalain upang matugunan ang mga pamantayan pangkalidad ng Wikipedia. (Disyembre 2013) |
Si Gloria Marie Steinem ay ipinanganak noong 25 Marso 1934 at nakilala bilang isang Amerikanong peminista, mamamahayag at masugid na tagapagtuligsa hinggil sa mga isyu sa lipunan at politika. Noong mga unang bahagi ng 1960 at 1970, naging tanyag siya sa kanyang bansa nang pinangunahan niya ang Women's Liberation Movement na kilala ring bilang The Feminist Movement sa Amerika. Naging tagapagsalita at tagapag-unay siya ng kilusang ito sa media. Hindi lang siya isang kilalang manunulat at aktibista, bagkus isa rin siyang mahusay na lider. Tagapagtaguyod siya ng iba't ibang organisasyon at grupo. Naglunsad din siya ng maraming proyekto na tumanggap ng samu't saring parangal. Siya ay isang tagapamahala ng New York Magazine at isa rin sa mga bumuo ng MS. Magazine. Noong 1969, siya ay nakapaglathala ng isang maimpluwensiyang artikulo na pinamagatang "After Black Power, Women's Liberation". Dahil sa pagkalimbag nito, kasabay ng nauna na niyang pagpapahayag ng suporta sa mga karapatan ukol sa aborsyon, siya ay hinirang bilang isang lider ng peminismo na sikat sa buong bansa. Nakatrabaho niya sina Jane Fonda at Robin Morgan noong 2005 na nakasama niya sa pagtayo ng Women's Media Center na isang organisasyon na may layuning palakasin at paigtingin ang tinig ng mga kababaihan sa media. Ito ay sa pamamagitan ng pamimitagan at pagbabahagi ng kaalaman, pagsasanay sa pamumuno at pangangasiwa sa media at paglikha ng mga orihinal at mahahalagang impormasyon. Sa kasalukuyan, si Steinem ay naglilingkod sa lupon ng organisasyon. Siya ay nananatiling kasangkot at aktibo sa mga kamalayan sa politika at media bilang isang komentarista, manunulat, lektor, tagapag-ayos, tagakampanya ng mga kandidato at tagasulong ng mga pagbabago at reporma.