Pumunta sa nilalaman

Break-even point

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang break-even point (BEP; Ingles; literal sa Tagalog: puntong hindi nanalo, hindi natalo) sa pag-aaral ng ekonomiya, pagnenegosyo, at partikular sa cost accounting, ay ang punto kung saan ang kabuuang gastos at kabuuang kinita ay magkatumbas: walang kalugihan o kinita, at ang isa ay nakapag-“break even.” Walang kinita at kalugihan na naganap, ngunit ang pagkawala ng posibleng kikitain mula sa isa pang alternatibo ay bayad na, at ang puhunan ay nakatanggap na ng risk-adjusted (naisayos na ang panganib) na inaasahang balik ng pera. Sa madaling salita, lahat ng gastos na kailangan pang bayaran ay bayad na ng kompanya ngunit wala silang kinita.

Ang break-even level o break-even point (BEP) ay kumakatawan sa halaga ng benta — sa kahit alin sa yunit o kita — na kailangan para mabayaran ang kabuuan ng gastos (parehong permanente at nagbabago). Ang kabuuang kita sa break-even point ay wala. Ang break-even ay posible lamang kung ang presyo ng bawat produkto ng kompanya ay mas mataas sa nagbabagong halaga ng bawat isa sa kanilang produkto. Kung gayon, ang bawat isa sa produktong nabenta ay makakalikha ng "kontribusyon" patungo sa pagbayad ng permanenteng gastos.

Halimbawa, kung ang isang negosyo ay nakakapagbenta nang mas kaunti pa sa dalawang daang lamesa sa bawat buwan, sila ay malulugi; kung makakapagbenta naman sila nang mas marami sa dalawang daan, kikita sila. Gamit ang impormasyong ito, kailangang tingnan ng mga tagapamahala ng negosyo kung makakagawa at makakapagbenta ba sila ng dalawang daang mesa kada buwan.