Ang teorya ay isang salitang maraming kahulugan. Sa una, ang teorya ay maaaring isang magkakaugmang pangkat ng nasubukan nang panglahatang mga mungkahi, na itinuturing bilang tama o tumpak, na maaaring gamitin bilang mga prinsipyo ng paliwanag at prediksiyon (hula) para sa isang uri ng kababalaghan. Halimbawa ng teorya, sa ganitong diwa, ang teorya ng relatibidad ni Albert Einstein. Sa ganitong konteksto, ang teorya ay katumbas ng mga salitang prinsipyo, batas, at doktrina.[1]

Sa ibang paggamit, ang teorya ay maaaring isang iminungkahing paliwanag na ang kalagayan ay hindi pa isang sapantaha o hagap at kailangan pang ipasailalim sa eksperimentasyon. Sa ganitong diwa, ang teorya ay ang kabaligtaran ng matagal nang nailunsad na mga proposisyon na itinuturing na bilang nag-uulat ng talagang katotohanan. Sa ganitong konteksto, ang teorya ay katumbas ng mga salitang ideya, nosyon, hipotesis, at postulado; na kabaligtaran naman ng mga salitang gawain, beripikasyon, koroborasyon at substansiyasyon.

Sa larangan naman ng matematika, ang teorya ay isang katawan ng mga prinsipyo, mga teorem, o katulad pa ng dalawang ito, na kabilang sa isang paksa. Isang halimbawa ng teorya pangmatematika ang teorya ng bilang. Maaari rin itong gamitin para sa larangan ng agham at sining. Sa pang-agham at pangsining na paggamit, ang teorya ay nakatuon sa mga prinsipyo o mga pamamaraan ng agham at sining, na maipagkakaiba mula sa gawain o paggawa sa agham o sining. Isang halimbawa sa diwang pansining o pang-agham ang teorya ng musika.

Ang teorya ay maaari ring isang pagkabatid o pananaw sa isang bagay na gagawin, o kaya ng metodo ng paggawa nito. Ang teorya ay maaari pa ring isang sistema ng mga panuntunan o mga prinsipyo. Sa ganitong diwa, isang halimbawa ang nasa pangungusap na "ang nagsasalungatang mga teorya kung paano pinakamainam na matututo ang mga bata kung paano magbasa."

Ang salitang teorya ay hinango mula sa salitang Kastilang teoría. Ang salitang Ingles na theory ay hinango mula sa isang katagang teknikal sa pilosopiya ng Sinaunang Gresya. Ang salitang theoria, θεωρία, na may kahuluang "isang pagtingin sa, tinatanaw, pagmamasid", at tumutukoy sa pagdidilidili (kontemplasyon) o espekulasyon (pagbabaka-sakali), na kabaligtaran ng aksiyon.[2] Ang salitang teorya ay natatanging madalas na ipinagkakaiba mula sa "gawain" o "pagsasagawa" (na sa Ingles ay practice, na hinango mula sa Griyegong praxis, πρᾶξις) isang katagang Griyego para sa "ginagawa", na salungat sa teorya dahil hindi kasangkot sa teorya ang paggawa na bukod sa sarili nito.

Mga sanggunian

baguhin
  1. theory, dictionary.reference.com
  2. Ang salitang "teorya" ay ginamit sa pilosopiyang Griyego, halimbawa na ang kay Plato. Kaugnay ito ng mga salita para sa θεωρός "manonood", θέα thea "isang tanawin" o "isang pananaw" + ὁρᾶν horan "tingnan", literal na isang "pagtanaw sa isang palabas". Tingnan halimbawa na ang mga ipinasok sa diksyunaryo sa websayt na Perseus. Ang salita theory ay ginagamit na sa wikang Ingles magmula noong hindi bababa sa hulihan ng ika-16 daantaon. Harper, Douglas. "theory". Online Etymology Dictionary. Nakuha noong 2008-07-18.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)